June 14, 2025

87 Personnel ng BuCor, Itinaas ang Ranggo sa Pagdiriwang ng Ika-127 Araw ng Kalayaan

MUNTINLUPA CITY — Sa paggunita ng ika-127 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan, ginawaran ng promosyon ang 87 kawani ng Bureau of Corrections (BuCor) bilang pagkilala sa kanilang sakripisyo at dedikasyon sa tungkulin. Isinagawa ang isang simpleng seremonya sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) compound sa Muntinlupa City nitong Miyerkules.

Kabilang sa mga na-promote ay 33 commissioned personnel, 54 non-commissioned personnel, at 7 non-uniformed personnel.

Bukod sa promosyon, inanunsyo rin ng BuCor ang bagong pagtatalaga sa 5 non-uniformed personnel, 11 uniformed personnel, at isang civilian lateral entry upang higit pang mapalakas ang hanay ng mga tagapagpatupad ng batas sa loob ng mga kulungan.

Nagpaabot ng pagbati at pasasalamat si BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. sa mga bagong-promote, at binigyang-diin ang kahalagahan ng kanilang mahusay na serbisyo at matibay na paninindigan sa misyon ng ahensya.

“Sinabi ko naman sa inyo na kapag kayo ay nagtrabaho ng tama at maayos ay mabibiyayaan kayo, pero kung kayo ay hindi aayos at magpapatuloy sa baluktot na gawain ay matatanggal kayo. So ito na ‘yon,” ani Catapang sa kanyang talumpati.

Ayon kay Catapang, ang promosyon ay hindi lamang pagkilala kundi inspirasyon din para sa iba pang mga kawani upang itaas ang antas ng serbisyo sa loob ng ahensya. Inaasahan aniya na ang mga bagong opisyal ay magiging huwaran ng integridad, propesyonalismo, at pananagutan.

Dagdag pa niya, ang mass promotion ay bahagi ng estratehiya upang mapaigting ang operasyon ng BuCor sa harap ng mga hamon sa sektor ng correctional system. Layunin nitong hubugin ang kultura ng kahusayan at katapatan sa hanay ng mga tauhan. Batay sa datos ng BuCor, simula nang pamunuan ni Catapang ang ahensya, pito na ang natanggal sa serbisyo, 93 ang nasuspinde, at isa ang na-demote—patunay umano ng kampanya nito laban sa katiwalian sa loob ng piitan.