December 24, 2024

74-anyos na lola nagtapos ng elementarya sa Navotas

DUMALO si Congressman Toby Tiangco sa graduation ceremony ng mga mag-aaral ng Alternative Learning System (ALS) sa Lungsod ng Navotas kung saan kabilang dito ang 74-anyos na si Urbana Señal Navarrete na nagtapos sa elementarya. Saludo si Cong. Tiangco kay Nanay Urbana at mga kasama niyang ALS graduates dahil hindi naging hadlang ang edad, katayuan sa buhay, o iba pang hamon at pagsubok para sila ay magsikap na makapagtapos sa pag-aaral. (JUVY LUCERO)

KABILANG ang isang 74-anyos na lola sa mga mag-aaral ng Alternative Learning System (ALS) ang naka-graduate sa elementarya sa Navotas City.

Personal na dumalo sa isinagawang graduation ceremony ng ALS si Congressman Toby Tiangco at binati niya ang mga nagsipagtapos kabilang na si lola Urbana Señal Navarrete.

“Saludo tayo kay Nanay Urbana at sa mga kasama niyang ALS graduates dahil hindi naging hadlang ang edad, katayuan sa buhay, o iba pang hamon at pagsubok para sila ay magsikap na makapagtapos sa pag-aaral at ikinararangal namin ang inyong pagpupursigi”, pahayag ni Cong. Tiangco.

Samantala, nakiisa naman si Mayor John Rey Tiangco isinagawang Brigada Pagbasa ng mga mag-aaral ng Kapitbahayan Elementary School.

Ayon sa kanya, layunin ng programang ito na hikayatin ang mga kabataang mag-aaral sa lungsod na mawili sa pagbabasa.

“Mahalaga po na habang bata, sanayin na po natin ang ating mga anak na magbasa. Sa pagbabasa, mas nahahasa at lumalawak ang kanilang imahinasyon at pagiging malikhain, ang kanilang critical thinking at problem-solving skills, pati na ang kanilang personalidad at karakter”, sabi ni Mayor John Rey.