January 23, 2025

725 street dweller nasagip sa Maynila

HINDI bababa sa 725 street dwellers  o yung mga natutulog sa lansangan ang sinagip ng Manila Police District (MPD) sa pamumuno District Director Gen. Rolly Miranda at ng Manila Social Welfare Department (MSWD) sa ilalim ni Director Re Fugoso sa malawakang operasyon na isinagawa sa iba’t ibang bahagi ng Maynila mula alas-7:00 ng gabi kahapon hanggang alas-6:00 ng umaga ngayon.

Kabilang sa mga nasagip ay 599 na matatanda at 126 menor de edad.

Ayon sa ulat ng MPD, ang mga nasabing street dwellers ay dinala sa Manila Boys’ Town kung saan sinabi ni Fugoso na maaalagaan sila.

Ang operasyon ay kasunod ng direktiba ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na una nang napansin na dumadami muli ang mga natutulog sa kalsada upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Inatasan din ni Moreno na ang mga nasagip ay sumailalim sa rapid testing upang matukoy kung positibo o hindi ang mga ito sa virus.