November 28, 2024

7 KABILANG ANG 2 MENOR DE EDAD, NAOSPITAL SA GUMMY CANDIES NA MAY CANNABIS

PITO katao, kabilang ang dalawang menor-de-edad ang naospital dahil sa drug intoxication matapos umanong kumain ng (cannabis) gummy candies sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.

Sa isinumiteng report ni PSSg Ana Liza Antonio kay Valenzuela police chief Col. Salvador Destura Jr, dakong alas-12:50 ng hapon nang makatanggap ng tawag sa telepono mula sa duty security guard ng Valenzuela Medical Center (VMC) ang opisina ng Station Investigation Unit (SIU) hinggil sa umano’y insidente ng food poisoning.

Kaagad nagtungo ang mga imbestigador sa pangunguna ni PLT Robion Santos sa nasabing hospital kung saan nagawa nila ma-interview ang pitong katao na kinilalang si Marilou Salonga, Eusebia Lagos, Mary Rose Sarabia, Ara Lagos, Andro Garcia at dalawang menor-de-edad.

 Sa kanilang pagsisiyasat, napag-alaman ng pulisya na ang sanhi ng pagkaka-ospital ng pito ay dahil sa drug intoxication ayon sa kanilang medico legal slips matapos umanong kumain ng “faded fruits cannabis infused” gummy bear candies na ibinigay sa kanila ng suspek na si Sammy Lovino, 48, sari-sari owner ng Llenado Compd., Maysan Road, Brgy. Malinta.

Dakong alas-3 ng hapon, nakita ni PCpl Juluis Bernardo ang suspek na nandon sa nasabing hospital na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya at nakumpiska kay Lovino ang tatlong pirasong vacuum sealed sachet ng faded fruits cannabis infused gummies na may flavor lemonade, pineapple at tangie na nasa 1500mg at may standard drug price na P1,800.

Tumangging magsampa ng kahit anung kasong criminal laban sa suspek ang pitong naospital habang kakasuhan naman siya ng pulisya ng paglabag sa Section 5 at Section 11 under Article II of RA 9165 sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.