December 26, 2024

7 fratmen wanted sa hazing arestado sa Laguna

CALAMBA CITY, LAGUNA  – Kulong na ngayon ang pitong mga suspek na mga pinaghahanap dahil sa kaso ng hazing matapos silang masakote ng mga pinagsanib na puwersa ng mga operatiba ng Calamba City Police Station, Regional Intelligence Office (RIO PRO4A) at ng Intelligence Service of Armed Forces of the Philippines (ISAFP) bandang 12:35 ng tanghali nuon araw ng Sabado sa Barangay Real ng nabanggit na bayan.

Kinilala ang mga suspek na sina  Jenno Antonio Villanueva, Emmanuel Jefferson Santiago, Richard Rosales, Mohammad Fyzee Alim, Chino Daniel Amante, Julius Arsenio Alcancia at Dexter Circa, mga nasa hustong gulang.

Base sa ipinadalang report ni Laguna Police Provincial Director Colonel Cecilio P. Ison kay Officer-in-Charge (OIC) PNP Lieutenant General Vicente Danao Jr., nadakip ang mga suspek sa pamamagitan ng isang Arrest Warrant na inisyu ng korte sa Calamba City sa Laguna para sa kasong may kinalaman sa Violation of Republic Act. 8049 o (Anti-Hazing Law).

Pansamantalang nakaditine na ngayon sa Calamba City Police Station ang mga suspek bago litisin sa korte at wala naman inirekomendang piyansa para sa kanilang pansamantalang kalayaan. (KOI HIPOLITO)