May 13, 2024

7 arestado sa drug buy-bust sa Valenzuela

Arestado ang pitong hinihinalang drug personalities kabilang ang tatlong bebot sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.

          Kinilala ni PLT Joel Madregalejo, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela police ang naarestong mga suspek na sina Jerry Colinares Jr., alyas Nonoy, 25, Jemmeline Barbosa, 30, Lilibeth Lerit, 51, Eller Rabino Jr., 30, Mark Anthony Macaspac, 31, Michael Demie Quismundo, 30, at Jennifer Padua alyas Negra, 27.

          Sa report ni SDEU investigator PCpl Pamela Joy Catalla kay Valenzuela police chief Col. Ramchrisen Haveria Jr, dakong alas-11:40 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PLT Madregalejo ng buy-bust operation sa No. 430, Dulong Tangke, Brgy. Malinta.

          Kaagad inaresto nina PCpl Maverick Jake Perez, PCpl Isagani Manait at PCpl Robbie Vasquez ang kanilang target na si Colinares matapos bentahan ng P300 halaga ng shabu si PCpl Noriel Boco na nagpanggap na buyer.

          Kasama ring inaresto ang anim pang mga suspek matapos maaktuhan ng mga operatiba na sumisinghot umano ng shabu sa loob ng bahay.

          Nakumpiska sa mga suspek ang humigit-kumulang sa 2.5 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P17,000.00, isang unseald plastic sachet ng hinihinalang shabu, buy-bust money, P400 cash, 3 cellphones, coin pouch at ilang drug paraphernalia.

          Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (JUVY LUCERO)