REHAS na bakal ang kinasadlakan ng anim na hinihinalang drug personalities matapos malambat ng pulisya sa magkahiwalay na buy bust operation sa Malabon City.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, sinabi ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan na nagsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng buy bust operation matapos magpositibo ang natanggap na impormasyon hinggil sa illegal drug activities nina alyas “Boy”, 43, at alyas “Chang”, 48, kapwa ng lungsod.
Nang tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad silang dinamba ng mga operatiba dakong alas-7:30 ng gabi sa C4 Road, Brgy. Tañong.
Nakuha sa mga suspek nasa 5.55 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P37,740.00 at buy bust money.
Alas-2:30 ng madaling nang matimbog naman ng kabilang team ng SDEU sa kanto ng Pinagtipunan Circle at Santol Road, Brgy. Potrero ang dalawang ‘bading’ na sina alyas “Joan”, 37, at alyas “Aira”, 38, kapwa ng Caloocan City matapos magsabwatan na bintahan ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.
Nakumpiska sa kanila ang humigi’t kumulang 5.4 grams ng umano’y shabu na may katumbas na halagang P36,720.00 at buy bust money.
Samantala, nasamsam naman kay alyas “Ogag”, 53, ng Caloocan city at alyas “Noknok”, 21, ng Brgy. Longos ang abot 2.2 grams ng pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga ng P14, 960.00 nang madakma ng isa pang team ng SDEU sa buy bust operation sa P. Aquino Avenue, harap ng Paradise Village, Brgy. Tonsuya, bandang alas-2 ng madaling araw.
Ayon kina PMSg Kenneth Geronimo at PSSg Jerry Basungit, mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
More Stories
Para sa kabataan, Sexuality Education suportado ng DepEd
Cotabato City mayor, 4 iba pa, kinasuhan ng pandarambong
P10.5-M ALAHAS, GADGETS AT PERA NILIMAS NG MGA NAGPANGGAP NA GOV’T EMPLOYEE SA LAGUNA