January 24, 2025

53 KATAO ARESTADO SA SABONG

ARESTADO ang nasa 53 indibiwal kabilang ang 81-anyos na lolo at dalawang babae matapos salakayin ng mga awtoridad ang isang ilegal na sabungan o “tupada” sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.

Ayon kay Northern Police District (NPD) Director P/Brig. Gen. Ronaldo Ylagan, ang pagkakaaresto sa mga suspek ay kasunod ng ilang reklamo na natanggap sa text at tawag sa telepono ni District Special Operation Unit (DSOU) chief Lt. Col. Giovanni Caliao I mula sa concerned citizen hinggil sa illegal na tupadahan sa Lamesa St., Brgy. Ugong.

Kaagad bumuo ng team ang DSOU, kasama ang Special Weapon and Tactics (SWAT) team at District Mobile Force Battalion (DMFB), sa koordinasyon kay Valenzuela police chief P/Col. Fernando Ortega, bago isinagawa ang raid sa naturang lugar dakong alas-1:50 ng hapon kung saan naaktuhan ang mga suspek na nagsasabong.

Gayunman, sinabi ni P/Maj. Amor Cerillo ng DSOU na nanguna sa pagsalakay na ilang iba pang mga indibidwal ang nagawang makatakas.

Nakumpiska ng mga pulis sa lugar ang bet money na aabot sa P721,300, 15 buhay na panabong, dalawang patay na panabong, iba’t-ibang cockfighting paraphernalia at isang unit ng Cal. 40 Glock pistol na may magazine at 24 piraso ng bala.

Sinabi ni Maj. Cerillo na maliban sa 81-anyos na lolo at dalawang babae, dalawa pang senior citizens ang kasamang naaresto sa the raid.

Kasong paglabag sa P.D. 1602 o illegal gambling at R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang isinapang kaso labans sa mga suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. (JUVY LUCERO)