September 16, 2024

52-ANYOS NA PWD HINALAY NG KAPITBAHAY

SWAK sa kulungan ang isang lalaki matapos pasukin at gahasain umano ang 52-anyos na babaeng person with disability (PWD) sa Valenzuela City.

Sa report ni P/Lt. Learni Albis, hepe ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) kay Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban, dakong alas-2:00 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng biktima sa Brgy. Bignay.

Lumabas sa imbestigasyon ng WCPD, isang kapitbahay ng biktima ang nakakita sa suspek na si alyas “Wen”, 24, na pumasok umano sa bahay ng ginang kaya agad itong i-nireport ng testigo sa mga opisyal ng barangay.

Nang puntahan ng mga tanod, naabutan nila ang suspek na walang saplot at nakapatong umano sa biktima kaya agad silang humingi ng tulong sa mga tauhan ng Bignay Police Su-Station (SS7) na nagresulta sa pagkakaaresto kay ‘Wen’.

Ayon kay Lt. Albis, lumabas sa medico-legal examination na positibong ginahasa ang biktima.

Mahaharap naman sa kasong rape ang suspek na pansamantalang nakapiit sa custodial facility unit ng Valenzuela City Police Station. (JUVY LUCERO)