October 31, 2024

500 PULIS-MAYNILA IDINEPLOY SA UST AT SAN BEDA PARA SA BAR EXAMS

IDINEPLOY ni Manila Police District (MPD) Director PBGen. Andre Dizon ang 500 pulis-Maynila sa bisinidad ng University of Sto. Tomas (UST) at San Beda College upang tiyakin seguridad ang bar examinees na kumuha ng kanilang exams noong Linggo, Setyembre 17, 2023.

Sinabi ni Andre na mananatili ang itinalagang 500 pulis sa lugar para matiyak na payapa at maayos ang bar exams hanggang Setyembre 20 at Setyembre 24 o hanggang matapos ang exams.

Kaugnay nito, hinimok ni MPD-public information office chief PMajor Philipp Ines ang publiko na agad magsumbong sa ideneploy na mga pulis kung mayroon silang mapapansin na kahina-hinalang aktibidades.

Samantala, sinabi ng Supreme Court (SC) na umabot sa 10,404 bar examinees ang kumuha ng exams nitong Linggo, base sa registration statistics.

Sa inilabas na executive order 24 ni Mayor Honey Lacuna, mahigpit na ipinagbabawal ang alak, ambulant vendors, at anumang uri ng noise at disruptive activites sa loob ng 500-meter radius mula UST at San Beda.

Bukod pa rito, isinara rin ang Dapitan Street at westbound lane ng España Boulevard mula alas-3:00 ng madaling araw hanggang alas-9:00 ng umaga at alas-3:30 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi sa panahon ng nasabing bar examination.

Sarado rin ang eastbound lane ng Legarda, Mendiola at Concepcion Aguila Streets ng alas-2:00 ng madaling araw hanggang alas-7:00 ng gabi. ARSENIO TAN