SINIBAK sa puwesto ang 50 pulis ng Bamban Municipal Police Station bilang bahagi ng patuloy na imbestigasyon sa nangyaring pagsalakay sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na Zun Yuan Technology Incorporated sa Barangay Anupul sa naturang bayan.
Ayon kay PNP spokesperson Colonel Jean Fajardo, iimbestigahan ang buong puwersa, mula sa itaas hanggang sa ibaba, ng Regional Investigation Unit ng Police Regional Office-Central Luzon upang silipin ang kanilang umano’y neglect of duty.
Kabilang sa 50 pulis na sinibak ang dating hepe ng Bamban na si Major Perfecto de Mayo. Ayon kay Fajardo, kasama si De Mayo sa tinanggal sa puwesto noong Marso 22, matapos ang isinagawang raid operation sa Baofu compound na malapit sa Bamban municipal hall.
Si Major Jessie Domingo ang pumalit kay De Mayo bilang bagong Bamban police chief. Agad ding nagtalaga PRO-Central Luzon ng kapalit ng nasabing bilang ng mga pulis.
“Ito yung isa sa mga dahilan kung bakit din sila nirelieve lahat, to give way to the investigation because there are allegations na titignan bakit may existence ng POGO doon, hindi nila namonitor. Titignan natin kung may naging kapabayaan at ito ay para bigyan daan ang investigation,” wika ni Fajardo.
Ito’y isang araw matapos maisilbi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang kautusan ng Ombudsman na nagpapataw ng Preventive Suspension kay Bamban Mayor Alice Guo kasama sina Bamban Business Permit and Licensing Officer Edwin Ocampo at Municipal Legal Officer Adenn Sigua dahil sa kasong grave misconduct serious dishonesty, gross neglect of duty, at conduct prejudicial to the best interest of service.
“Walang kinalaman yung relief doon sa suspension ni Mayor Alice Guo. In fact nauna nang narelieve bago pa lumabas yung suspension niya. The suspension of Guo is the result of the recommendation of DILG sa Ombudsman. Yung relief, nung June 2 pa. Kahapon pa ginawa yung turnover,” ayon kay Fajardo.
Inilipat ang mga sinibak na pulis sa Regional Personnel Holding and Accounting Unit sa Camp Olivas, San Fernando, Pampanga. Isasailalim sila sa reorientation at reformation program sa School for Values and Leadership Annex sa Subic, Zambales.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA