June 7, 2025

5 Patay, Kabilang ang Sanggol at 2 Bata, sa Sunog sa Pasig

PASIG CITY — Lima katao, kabilang ang isang sanggol at dalawang menor de edad, ang nasawi sa isang sunog na sumiklab sa isang residential area sa Barangay Buting, Pasig City, noong Miyerkules ng gabi, Hunyo 4.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog bandang alas-10:56 ng gabi sa isang four-story residential building sa E. Mendoza Street at idineklarang fire out pagsapit ng alas-11:58 ng gabi.

Batay sa ulat ng mga opisyal ng barangay, kabilang sa mga nasawi ang isang ina, ang kanyang isang-taóng gulang na sanggol, at 11-anyos na anak na babae; pati na rin ang kanilang kapitbahay na isang empleyado ng gobyerno at ang 15-anyos nitong anak. Narekober ang mga bangkay ng mga biktima kinumagahan ng Huwebes, Hunyo 5.

Ayon sa BFP, hindi na nakalabas ng gusali ang mga biktima sa kasagsagan ng apoy. Napag-alamang yari sa magagaan na materyales ang gusali at may luma nang sahig na posibleng naging dahilan ng mabilis na pagkalat ng apoy.

Nahadlangan din umano ang mabilis na pagresponde dahil sa makitid na daan patungo sa lugar ng sunog.

Samantala, hindi bababa sa 11 pamilyang naapektuhan ang pansamantalang inilikas at dinala sa evacuation center kung saan sila ay binigyan ng pagkain at ayuda.

Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog.