January 24, 2025

5 naaktuhan bumabatak ng shabu sa Valenzuela

SA kulungan ang bagsak ng limang hinihinalang drug personalities, kabilang ang dalawang bebot matapos mahuli sa akto ng mga pulis na bumabatak umano ng shabu sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr ang mga naarestong suspek bilang sina Zernan Manalastas, 38, construction worker, Larry Caciano, 50, welder, Eligio Dejuan, 44, vendor, Maria Victoria, 49, pawang residente ng lungsod at Jenalyn Caperal, 37, massage therapist ng Obando Bulacan.

Ayon kay Col. Destura, nakatanggap ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela police sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Capt. Joel Madregalejo ng impormasyon mula sa isang concerned citizen hinggil sa nagaganap umanong pot-session sa Pinalagad Brgy. Malinta.

Agad nagsagawa ang mga operatiba ng SDEU ng validation/surveillance sa nasabing lugar at naaktuhan ng mga ito ang mga suspek na sumisinghot umano ng shabu dakong alas-3:30 ng madaling araw.

Hindi na nakapalag ang mga suspek nang mabulaga sila at dakpin ng mga pulis kung saan nakumpiska sa kanila ang humigi’t kumulang 3 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P20,400, P530 cash, hard case at mga drug paraphernalias.

Ani PCpl Pamela Joy Catalla, mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.