TODAS ang limang katao, kabilang ang mag-ina at tatlong estudyanteng babae na mga menor-de-edad matapos ang naganap na sunog na tumupok sa isang bahay sa Navotas City, Sabado ng umaga.
Kinilala ang mga biktima na sina Sarah Constantino, 41, kanyang anak na si Xylem Lorraine Constantino, 17, senior high, pinsan na si Ruthie Tongco, 11, grade 6, at magkapatid na sina Daniella, 13, grade 8, at Kayla Jocson, 12, grade 6.
Nagpaabot naman ng kanilang taos-pusong pakikiramay at pakikidalamhati sa mga naulila si Mayor John Rey Tiangco at Congressman Toby Tiangco.
Sa tinanggap na ulat ng Navotas City Public Information Office mula sa Navotas Bureau of Fire Protection (BFP), alas-7:02 ng umaga nang sumiklab ang sunog sa hindi pa batid na dahilan sa isang bahay sa Gov. Pascual St., malapit sa San Roque Barangay Hall, Brgy.San Roque.
Kaagad itinaas sa unang alarma bandang alas-7:14 ng umaga ang sunog kung saan idineklara itong under control alas-7:42 ng umaga at tuluyang naapula dakong alas-7:53 ng umaga.
Nang pasukin ng mga bumbero ang bahay, tumambad sa kanila ang walang malay na katawan ng mga biktima kaya kaagad silang isinugod sa Navotas City Hospital subalit, hindi na umabot ng buhay ang mga ito dahil sa pagkakalanghap ng usok.
Ayon sa Navotas BFP, walang tinamong sunog sa mga katawan ang mga biktima at wala ring palatandaan na naging biktima sila ng anumang uri ng karahasan.
Patuloy ang imbestigasyon ng BFP para matukoy kung magkano ang halaga ng ari-arian ang naabo sa sunog habang inalaam pa ang kung anu ang pinagmulan ng nasabing insidente.
Tiniyak naman ni Mayor Tiangco na magpapadala ng tulong sa mga pamilya ng mga nasawi ang lokal na pamahalaan at sasagutin na rin nila ang libing o cremation ng mga biktima.
Nanawagan din siya sa mamamayan na maging maingat at mapagbantay ngayon panahon ng Kapaskuhan lalu na’t kabi-kabila ang mga sub-standard na ibinebentang Christmas lights.
More Stories
Para sa kabataan, Sexuality Education suportado ng DepEd
Cotabato City mayor, 4 iba pa, kinasuhan ng pandarambong
P10.5-M ALAHAS, GADGETS AT PERA NILIMAS NG MGA NAGPANGGAP NA GOV’T EMPLOYEE SA LAGUNA