June 10, 2025

436K Shabu huli sa Drug Buy Bust Operation sa Datu Esmael Dasmarinas City, Cavite

DASMARIÑAS CITY, CAVITE — Arestado ang isang babae na kabilang sa drug watchlist bilang High Value Individual (HVI) sa ikinasang anti-illegal drugs buy-bust operation ng mga tauhan ng Dasmariñas Component City Police Station kaninang madaling araw, Hunyo 9, sa Barangay Datu Esmael.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Nog”, nasa hustong gulang, at residente ng nasabing barangay.

Batay sa paunang imbestigasyon, nalambat ang suspek sa ikinasang operasyon ng pinagsamang pwersa ng Intelligence Unit at City Drug Enforcement Team (CDET) ng Dasmariñas City PNP.

Nakuha mula sa suspek ang siyam (9) na piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu, na may tinatayang kabuuang bigat na 64.13 gramo at tinatayang halaga na ₱436,084.00.

Agad na dinakip at dinala sa custodial facility ang suspek na sasampahan ng kasong paglabag sa ilalim ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy kung may iba pang sangkot sa iligal na aktibidad ng suspek. (Ulat nina KOI HIPOLITO at ERICHH ABRENICA)