November 14, 2024

4 na lalaking lumabag sa ordinansa, arestado sa droga

SHOOT sa selda ang apat na kalalakihan nang makuhanan ng illegal na droga makaraang masita ng mga pulis dahil sa paglabag sa city ordinance sa magkahiwalay na lugar sa Lungsod ng Caloocan.

Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, dakong alas-12:40 ng medaling araw, nagsasagawa anti-crimility patrol ang mga tauhan ng Police Sub-Station 3 sa Palon St., Brgy. 70 nang mapansin nila ang dalawang lalaki na kapwa walang suot na damit habang gumagala sa lugar na malinaw na paglabag sa umiiral na ordnansa ng lungsod.

Nang lapitan nila para isyuhan ng Ordinance Violation Receipt (OVR) ay tumakbo ang mga suspek kaya hinabol sila ng mga pulis hanggang sa magawang maaresto.

Nang kapkapan, nakumpiska sa mga suspek ang tig-isang transparent plastic sachet na nagalaman ng aabot 2.55 grams ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P17,340.

Sa Brgy. 12, nakuhanan naman ng nasa 5.2 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P35,360.00 ang dalawa ring lalaki matapos tangkain takasan ang mga tauhan ng Police Sub-Station 4 nang lapitan nila para isyuhan ng OVR dahil sa paglabag din sa city ordinance nang matiyempuhan nila na kapwa rin walang suot na damit habang naglalakad sa Bangayngay Street, alas-12:20 ng madaling araw.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Art 151 of RPC at RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.