May 13, 2025

4 HINIHINALANG LUMANG BOMBA, NATAGPUAN SA DRAINAGE SA QUIAPO

Maynila — Apat na hinihinalang lumang bomba ang natagpuan sa loob ng isang drainage habang nililinis ito ng isang maintenance worker mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Quezon Boulevard, Quiapo nitong Miyerkules ng umaga.

Ayon sa ulat, bandang alas-7:35 ng umaga, nadiskubre ni Glenn John Reyes, 44, ng No. 1503 Interior 7, Loreto St., Sampaloc, Manila, ang apat na bote na may anyong “molotov cocktail” malapit sa Church of God International sa naturang kalsada.

Agad itong ini-report ni Reyes sa Plaza Miranda Police Community Precinct, matapos mapansing nakabalot ang mga bote sa tape at posibleng naglalaman ng delikadong kemikal.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Manila Police District–District Explosives and Canine Unit (MPD-DECU) upang siyasatin ang mga natagpuang bote.

Sa isinagawang pagsusuri, lumabas na negatibo sa anumang hazardous o explosive materials ang mga bote.

Gayunpaman, nanawagan ang MPD sa publiko na manatiling mapagmatyag at agad i-report ang mga kahina-hinalang bagay sa kanilang lugar, lalo na’t patuloy ang mga banta ng seguridad sa mga mataong lugar sa Kamaynilaan.

Patuloy na iniimbestigahan ang pinagmulan ng mga bote at kung may kinalaman ito sa anumang iligal na aktibidad. ARSENIO TAN