May 15, 2024

4 drug suspects tiklo sa Navotas buy bust

REHAS na bakal ang kinasadlakan ng apat na drug suspects matapos malambat ng pulisya sa magkahiwalay na buy bust operation sa Navotas City.

Ani Navotas police chief P/Col. Mario Cortes, dakong alas-11:05 ng gabi nang maaresto ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Cpt. Genere Sanchez ang dalawang tulak ng droga sa buy bust operation sa Governor Pascual St., Brgy. Sipac Almacen.

Nakumpiska sa mga suspek ang aabot 4.8 gramo ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P32,640.00 at isang pirasong P500 billa na ginamit bilang buy bust money.

Nauna rito, nadakip naman ng kabilang team ng SDEU sa buy bust operation din sa Little Samar St., Brgy San Jose, dakong alas-2:05 ng madaling araw ang dalawang ring tulak ng droga.

Nakuha sa mga suspek ang humigi’t kumulang 5 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P34,000.00 at isang P500 bill na ginamit bilang buy bust money.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.