May 5, 2024

4 Chinese mafia na responsable sa pagpapakalat ng mga palsipikadong gov’t ID at mga dokumento, nahuli

Arestado ang apat na Chinese na kinabibilangan ng sinasabing leader ng mafia na nasa likod nang kumakalat na huwad na government-issued identification cards ( IDs ) at mga dokumento sa Palawan

Ayon kay BI intelligence division Chief Fortunato Manahan, Jr. sina Wang Tao, Li Xiaoming, Guo Zhi Yang, at Lyu Zhiyang pawang lalake ay nadakip sa Brgy. San Pedro sa Palawan City.

Tinukoy si Lyu, gumagamit ng  alias na Ken Garcia Lee, na mastermind sa operasyon ng sindikato at kilala sa Palawan bilang fraud mafia leader.

Kay Lyu, sinasabing galing ang mga pekeng  government-issued documents na gamit ng  mga undesirable aliens at trafficking victims.

Sa naturang operasyon nakasamsam ang mga otoridad ng  Philippines-issued IDs sa mga dayuhan kasama na ang lisensiya ng kanilang mga driver,  postal IDs, at birth certificates.

Itinuturing ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang grupo ng suspek ang malaking sindikato lalo na at nakapaglalabas sila ng Philippine IDs sa mga dayuhang nagpapanggap na mga  Filipino.

Katuwang ng BI sa isinagawang operasyon ang Naval Forces West, National Intelligence Coordinating Agency 4B at ang Armed Forces of the Philippines.