November 3, 2024

4 ARESTADO SA TUPADA SA CALOOCAN

Arestado ang apat na indibidwal matapos salakayin ng mga awtoridad ang isang illegal na tupadahan sa Caloocan city, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni District Special Operation Unit ng Northern Police District (DSOU-NPD) chief PLTCOL Jay Dimaandal ang mga naaresto na sina Johnny Banal, 55, Noli Esquilona, 44, Ryan Capoquian, 30, at Ernesto Domingo, 68, pawang residente ng lungsod.

Sa imbestigasyon ni PMSg Julius Mabasa, nakatanggap ang mga operatiba ng DSOU mula sa isang concerned citizen hinggil sa nagaganap na illegal na tupada sa gilid ng ilog sa Brgy. 35 Maypajo, Dagat-Dagatan.

Bumuo ng team ang mga operatiba ng NPD sa pangunguna ni PLT Glenn Mark De Villa, kasama sa ilalim ng pangangasiwa ni PMAJ Vicky Tamayo saka pinuntahan ang naturang lugar dakong alas-5:30 ng hapon. Pagdating sa lugar, naaktuhan ng mga operatiba ang mga suspek na nagtutupada na naging dahilan upang arestuhin ang mga ito at narekober sa kanila ang dalawang patay na panabong na manok na may tari at P1,500 bet money.