December 25, 2024

4 ARESTADO SA PRANK (Nagpanggap na patay)

ARESTADO ang apat na lalaki matapos magsagawa ng prank na kanila umanong i-upload sa social media na isa sa kanila ang isinilid sa sako saka iniwan sa gilid ng kalsada sa Valenzuela city.

Kinilala ang mga dinakip na si Mark Francis Habagat, 20, ng Villa Baretto Subdivision, Brgy. Canumay West, Mark Aldrin Arce, 20, ng Camilla St. De Castro Subdivision, Brgy. Paso De Blas, Chris Bayron, 20, ng Dela Rosa St. Home Centrum Subdivision, Brgy. Mapulang Lupa, at Wynzel Tan, 19, ng St. Joseph St. Brgy. Bagbaguin.
Sa nakarating na report kay Valenzuela police chief Col. Fernando Ortega, nagpaptrulya sina PCpl Rosario Cruz at PCpl Ian Baggay ng Sub-Station 1 sa West Service Road, Brgy. Paso De Blas nang isang concerned citizen ang lumapit sa kanila at ipinaalam ang hinggil sa isang hindi kilalang tao na isinilid sa sako bago iniwan sa gilid ng kalsada.

Nang respondehan ng mga pulis, nadiskubre nila ang nasa loob ng naturang sako ay si Habagat habang ang tatlong kasama nito na kumukuha ng video sa sako ay naaktuhan namang nagtatago malapit sa lugar.

Inamin ng mga suspek na sinubukan lamang nilang maglaro ng kalokohan sa mga dumadaan sa naturang lugar at balak umano nilang i-upload ang video sa social media.

Ayon sa pulisya, ang insidente ay magbibigay ng alarma sa publiko kaya dinala nila ang apat sa himpilan ng pulisya saka kinasuhan ng Article 155 of the Revised Penal Code, at inisyuhan din sila ng Ordinance Violation Receipt sa paglabag sa city ordinance no. 673 (social distancing), at mandatory use of quarantine pass.