May 18, 2024

4 arestado sa P306-K halaga ng shabu

ARESTADO ang apat na tulak ng droga na sina Willy Flores, Chanda Guarin, Danica Sihub at Jessie Vargas sa isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU)  ng Valenzuela Police sa pangunguna ni P/MSGT Roberto Santillan. Narekober sa mga suspek ang 10 piraso ng plastik sachet na hinihinalang shabu na humigit kumulang na 45 gramo, buy-bust money at drug paraphernalia.  (RIC ROLDAN)

ARESTADO ang apat na hinihinalang drug personalities kabilang ang dalawang babae matapos makumpiskahan ng P306,000 halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng mga pulis sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Valenzuela police chief Col. Fernando Ortega ang mga naarestong suspek na si Willy Flores, 35, Chanda Guarin, 42, kapwa ng 46 Gumamela St., Marulas, Danica Sijub, 21, ng 113 Pio Valenzuela St., Marulas, at Jesus Vargas, 46, construction worker ng no. 53 Gumamela Ext., GTDL.

Dakong alas-8:30 ng gabi nang isagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Segundino Bulan Jr. ang buy-bust operation kontra sa mga suspek sa No. 46 Gumamela St. Brgy. Marulas.

Matapos tanggapin ng mga suspek ang P2,000 markadong salapi mula sa isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng isang sachet ng shabu ay agad silang inaresto ng mga operatiba.

Nakumpiska sa mga suspek ang umaabot sa 45 gramo ng hinihinalang shabu, buy-bust money, P4,350 cash, tatlong cellphone, at digital weighing scale.