November 22, 2024

300 PDLs NA MAY DRUG-RELATED CASES INILIPAT NA SA SABLAYAN PRISON

Matapos ang tagubilin na inilabas ni Justice Secretary Crispin Remulla na pagsasama-samahin ang lahat ng bilanggo na may mga kasong droga sa isang single Supermax facility, naisakatuparan ng Bureau of Corrections ang paglipat sa 300 person deprived of liberty (PDLs) nitong nagdaang gabi mula New Bilibid Prison sa Muntinlupa City papuntang Sablayan Prison and Penal Farm (SPPF) na matatagpuan sa Occidental Mindoro.

Ayon kay Bureau of Corrections Director General Gregorio Pio Catapang Jr., nauna na nilang plinano ang paglipat sa 100 PDLs sa Sablayan facility noong nakaraang linggo pero hindi natuloy dahil sa mga nagdaang bagyo at sa rekomendasyo ng Philippine Coast Guard, habang hinihintay nila na gumanda ang kondisyon ng panahon upang matiyak na ligtas na mailipat ang mga PDL.

Inihayag ni Catapang na nailipat ang mga PDLs sakay ng sampung commercial bus na pinangasiwaan ng 90 staff members na kinabibilangan ng BuCor SWAT teams, medical personnel at isang escort team, at sa pakikipagtulungan ng Philippine National Police (PNP) sa Muntinlupa, gayundin ang SLEX at STAR Highways Patrol units.

Binigyang-diin niya na ang paglipat ay bahagi ng pinaigting na anti-illegal drug campaign ng BuCor, alinsunod sa “bloodless drug campaign” ng administrasyon.

Bilang karagdagan sa pag-relocate sa mga PDLs sa Sablayan, ipinatupad din ng Kagawaran ang pagbabawal sa paggamit ng cellphone sa lahat ng Commissioned Officers, Non-Commissioned Officers, civilian staff, visitors at lahat ng papasok sa loob ng National Headquarters-BuCor Offices, New Bilibid Camps, at iba’t ibang operational prisons and penal farms (OPPFs) sa buong bansa.

Ipinag-utos din ang masusing inspeksyon na ipatutupad sa lahat ng entry at exit points ng OPPFs upang maiwasan ang pagpuslit ng cellular devices.

Bilang karagdagan, inatasan ni Catapang ang lahat ng kanyang superintendents na magsagawa ng regular inspections sa lahat ng pasilidad, kasama na unscheduled checks sa mga silid sa bilangguan at mga lugar ng trabaho ng mga personnel ng BuCor upang mahanap ang mga bagay na ipinagbabawal.


Simula pa noong nakarang taon, nagawa nang ilipat ng BuCor ang mga PDLs ng NBP sa iba’t ibang OPPF bilang pagsisikap na palawagin ang NBP at bilang paghahanda sa planong pagpapasara ng NBP sa 2028.