Inilipat kahapon ng Bureau of Corrections (BuCor) ang 300 persons deprived of liberty (PDLs) mula New Bilibid Prison (NBP) patungo sa Leyte Regional Prison sa Abuyog, Leyte.
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., bahagi ang tuloy-tuloy na paglilipat ng mga bilanggo sa hakbang upang maibsan ang matinding overcrowding sa NBP, at paghahanda na rin sa nakatakdang pagsasara ng naturang pasilidad pagsapit ng 2028.
Pinangunahan ng 75 corrections officers ang operasyon, kabilang ang mga miyembro ng BuCor SWAT, medical personnel, at escort group na pinamunuan ni Chief Correctional Inspector Roberto Butawan.
Nagbigay din ng seguridad at suporta sa convoy ang Philippine National Police sa Muntinlupa, lokal na provincial police, South Luzon Expressway security group, at Philippine Coast Guard upang matiyak ang ligtas at maayos na paglilipat ng mga PDL.
Ayon kay Catapang, ang hakbang ay bahagi ng patuloy na reporma sa correctional system at pagpapalakas ng seguridad sa mga pasilidad ng BuCor. (Mina Paderna)
