December 26, 2024

3 tulak arestado sa P400K shabu sa Valenzuela

SHOOT sa kulungan ang tatlong tulak ng ilegal na droga, kabilang ang isang High Value Individual (HIV) matapos makuhanan ng mahigit P.4 milyong halaga ng shabu sa magkahiwalay na buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City.

Dakong alas-9:00 ng umaga nang magsagawa ang mga awtoridad ng buy-bust operation matapos makumpirma ang natanggap na ulat hinggil sa pamamayagpag ng pangalan ni Michael Santos, 50, (HIV/Pusher) ng Santos Compd, Brgy. Malinta sa nagbebenta ng shabu.

Nang tanggapin ni Santos ang P8,500 marked money mula sa isang pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang sinunggaban ng mga operatiba sa Mc Arthur Hway corner ACA St., Brgy., Malanday.

Nakuha kay Santos ang humigi’t kumulang 30 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug prie value na P204,000, buy bust money na isang tunay na P500 bill, kasama ang 8-pirasong P1,000 boodle money at isang motorsiklo na gamit niya.

Nauna rito, natimbog si Bambi Claro, 26, ng Blk 6 Lot 13 Phase 2A Northville 1, Brgy. Bignay, sa buy bust operation sa T. Santiago St.,  Brgy., Veinte Reales matapos bentahan ng P8,500 halaga ng shabu ang isang undercover police poseur-buyer, alas-8:15 ng gabi.

Nakumpiska kay Claro ang nasa 25 grams ng hinihinalang shabu na may SDP value na P170,000, buy bust money na isang tunay na P500 bill, kasama ang 8-pirasong P1,000 boodle money at P100 recovered money.

Sa Brgy., Marulas, nasakote naman sa buy bust operation din sa R. Delfin Street si Jonathan Ebacuado alyas “Atan”, 31, bandang alas-12:00 ng tanghali.

Nasamsam kay Ebacuado ang nasa 5 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P34,000, marked money, cellphone at P100 recovered money. Kasong paglabag sa Section 5 at 11 under Article II of RA 9165 ang isasampa nila kontra sa mga suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.