November 20, 2024

3 timbog sa Malabon, Navotas buy bust

SHOOT sa selda ang tatlong hinihinalang drug personalities matapos maaresto sa magkahiwalay na buy bust operation ng pulisya sa Malabon at Navotas Cities.

Sa ulat ni Navotas police chief Col. Mario Cortes kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, dakong alas-3:23 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Cpt. Genere Sanchez ng buy bust operation sa Judge Roldan St., Brgy. San Roque matapos ang natanggap na ulat hinggil sa illegal drug activities ni Patrick Rubio alyas “Tupa”, 31, ng B Cruz St., Brgy. Tangos North.

Kaagad dinamba ng mga operatiba si Rubio matapos bintahan ng P500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa Judge Roldan St., Brgy. NBBS, Dagat-Dagatan.

Ani PSSg Ramir Ramirez, nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 10.3 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P70,040.00 at isang P500 bill na ginamit bilang buy bust money.

Sa Malabon, natimbog naman ng mga operatiba ng SDEU ng Malabon police sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Lt. Jonas Gato sina Christian De Leon, 22 ng Brgy. Tañong at Orlando Sito alyas “Buko”, 49, fish vendor ng Brgy. 8, Caloocan City, sa buy bust operation sa C4 Road, Brgy. Tañong, alas-11:45 ng gabi.

Ayon kay PSSg  Kenneth Geronimo, nakuha sa mga suspek ang nasa 2.8 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P19,040.00 at P500 marked money.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (JUVY LUCERO)