November 23, 2024

3 SANGKOT SA DROGA TIMBOG SA SHABU AT BARIL

Arestado ang tatlong ‘bigtime’ na tulak ng shabu ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit ng Valenzuela Police. Nakilala ang mga suspek na sina Paolo Delos Santos, Micheal Ledesma at Rex Gardose sa isinagawang buy-bust operation sa kahabaan ng Gen. T De Leon, Valenzuela City. RIC ROLDAN

NASAKOTE ang tatlong drug peddlers na mula sa Caloocan City matapos makumpiskahan ng higit sa P600,000 halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Fernando Ortega ang mga naarestong suspek na si Paolo Delos Santos, 31 ng 203 Donato St. Sta Queteria, Rex Gardose, 30 ng 734 Libis Baesa at Michael Ledesma, 29 ng 27 L. Tullahan Road, Sta Quiteria, pawang ng Caloocan City.

Ayon kay Col. Ortega, isinagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Ronald Sanchez, PSSg Samson Mansibang, PSSg Gabby Migano, PCpl Ed Shalom Abiertas at PCpl Jayson Arce ang buy-bust operation kontra sa mga suspek sa Gen. T De Leon Road, Brgy. Gen T. De Leon.

Sakay ang mga suspek sa kulay puting sedan na may plakang (RJB-876) nang dumating sa naturang lugar bandang alas-4 ng madaling araw upang makipagkita sa police poseur-buyer na naunang nakipagtransaksyon sa kanila ng P3,000 halaga ng shabu.

Nang iabot ng mga suspek ang droga sa poseur-buyer kapalit ng P3,000 marked money, agad hinarang ng mga operatiba ang kanilang sasakyan at inaresto ang mga ito.

Nakumpiska sa mga suspek ang aabot sa 100 gramo ng shabu na may standard drug price P680,000.00 ang halaga, isang caliber .9mm pistol na may magazine na kargado ng limang bala, tatlong cellphones, buy-bust money at ang puting sedan na gamit sa pagdeliver ng illegal drugs.

Sasampahan ng pulisya ang mga suspek ng kasong selling, conspiracy at possession of illegal drugs at paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act sa Valenzuela City Prisecutors Office.