SA kulungan ang bagsak ng anim sa pitong kalalakihan matapos kuyugin ang tatlong pulis na nagsasagawa ng imbestigasyon sa isang aksidente sa lansangan makaraang akusahang nambugbog sa isa nilang kasama sa Caloocan City, kaninang madaling araw.
Lumabas sa imbestigasyon, pauwi na si P/Cpl. Jayvee Rommel Vicencio sakay ng kanyang motorsiklo nang madaanan sa harap ng Serenity Cemetery sa Congress Road, Brgy. 171 ang isang lalaking nakabulagta matapos bumangga sa pader ang kanyang minamanehong motorsiklo alas-2:30 ng madaling araw.
Huminto ang pulis at tumawag sa himpilan ng Caloocan Traffic Management Unit upang ipabatid ang aksidente nang dumating ang dalawang umano’y lasing na lalaki na nakilalang sina Reymund Dreu, 30 ng Cefels Deparo 2 at Arwin Laruga ng Brgy. Camarin saka sinita ang pulis kung bakit nakikialam.
Nagpakilala umanong pulis si Vicencio at sinabihan ang dalawa na huwag makialam na naging dahilan upang magkaroon sila ng mainitang pagtatalo.
Nang dumating sina Cpl. Froilan Dela Rosa at Cpl. Dennis Michael Natividad, kapuwa traffic investigators upang magsagawa ng pagsisiyasat ay umalis sa lugar si Laruga subalit, agad ding bumalik kasama ang limang kalalakihan at itinuro ang mga pulis na aniya ay bumugbog sa kasama niyang si Raymund.
Kinuyog at pinagsusuntok ng kalalakihan ang tatlo at dahil higit na marami ang mga kalalakihan, binunot ng mga pulis ang kanilang service firearm kaya’t napilitang umatras ang mga suspek sa takot na putukan sila ng mga parak. Nadakip at sinampahan ng kasong Direct Assault si Reymund Dreu, kanyang mga kapatid na sina Richard, 36 at Joshua, 24, Roberto Villas, 28, Mark Jovin Grajo, 29, at Edel Estibal, 26, habang nakatakas naman si Laruga.
More Stories
Tulak, kalaboso sa pagbenta ng shabu sa pulis sa Malabon
Driver, arestado sa baril sa Malabon
80K NANAY MAKAKATANGGAP NG P350 MONTHLY SA ILALIM NG EXPANDED 4Ps – DSWD