May 18, 2024

3 PASLIT NASAGIP SA MALUPIT NA KAMAG-ANAK (Sa Angono, Rizal)

Isinalba ng Angono Rizal Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ang tatlong batang biktima ng pagmamalupit ng kamag-anak.

Sa kalatas ng Angono Public Information Office, nakatanggap ng impormasyon  si Angono Mayor Jerie Mae Calderon mula sa mga kapitbahay ng tatlong paslit hinggil sa pang-aabuso, pananakit at pagmamalabis ng mga kaanak sa tatlong batang nakatira sa Barangay Kalayaan ng nasabing bayan.

Agad na inatasan ng alkalde ang MSWDO na magtungo sa Barangay Kalayaan kung saan naaktuhan .municipal social workers ang pagmamalupit sa  tatlong batang edad anim pababa.

Tumanggi  ang MSWDO na pangalanan ang mga biktima, bilang proteksyon alinsunod sa Republic Act 7160 na mas kilala sa tawag na Anti-Child Abuse Law.

Sa pagsusuri ng medico legal, lumalabas na nagtamo ng multiple hematoma ang mga biktimang agad na dinala sa Bahay-Kalinga. Kaugnay nito, inihahanda na ng municipal social workers ang pagsasampa ng kaso  laban sa mga suspek.