November 24, 2024

3 MOST WANTED PERSONS ARESTADO SA CALOOCAN

LAGLAG sa selda ang tatlong lalaki na nakatala bilang most wanted persons matapos matimbog sa magkahiwalay na manhunt operations ng pulisya sa Caloocan City.

Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, dakong alas-4:30 ng hapon nang matimbog ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) sa ikinasang manhunt operation sa Campupot St., 11th Avenue, Barangay 97, East Grace Park, ang akusadong si alyas “Buloy”.

Ang akusado ay inaresto ng pulisya sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Glenda Cabello Marin ng Caloocan City Regional Trial Court (RTC) Branch 125 noong February 28, 2024, para sa kasong Lascivious Conduct under Sec. 5 (B) of R.A. 7610 (2 counts).

Bandang alas-11:15 ng gabi nang matiklo naman ng pinagsanib na mga tauhan ng Tuna Police Sub Station-1 at District Anti-Carnapping Unit (DACU), NPD sa isinagawang joint manhunt operation sa Sawata Street, Barangay 35, ang akusadong si alyas “Mando”.

Si ‘Mando’ ay pinosasan ng mga pulis sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Manuel I.R.A V Barrios ng Caloocan City RTC Branch 126 noong November 30, 2023, para sa paglabag sa Section 28 (E) (1), Article V of R.A 10591.

Habang dinakip naman ng kabilang team ng WSS sa manhunt operation sa Sitio Uno, Barangay 2, Sangandaan, dakong alas-4:15 ng hapon ang isa pang akusado na si alyas “Rod” sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Misael Madelo Ladaga ng Malabon City RTC Branch 292 noong March 1, 2024, para sa paglabag sa Sec. 12, Art. II of R.A. 9165.