October 31, 2024

3 magnanakaw ng motorsiklo arestado sa Navotas

Kulungan ang kinabagsakan ng tatlong hinihinalang magnanakaw ng motorsiklo matapos maaresto habang inuumpisahan na umanong katayin ang ninakaw na motorsiklo sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Rolando Balasabas ang naarestong mga suspek na si Raymond Rey, 36, Marvin Villamor, 24 at Jerwin Tadim, 22, pawang scavengers at mga residente ng Permanent Housing in Brgy. 128, Balut, Tondo, Manila.

Ayon kay Col. Balasabas, dakong alas-2 ng madaling araw nang madiskubre ng factory worker na si Juvanie Lastimozo, 29, na ang kanyang kulay pulang Sym Bonus SR motorcycle na nakaparada sa harap ng kanilang bahay sa 204 Encarnacion St. Brgy. San Rafael Village ay nawawala kaya’t agad itong humingi ng tulong sa mga pulis.

Kaagad namang nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Kaunlaran Police Sub-Station sa pangunguna ni P/SSgt. Reyjie Gruta, kasama ang biktima sa Brgy. San Rafael Village, hanggang sa maispatan ng mga ito ang tatlong katao na sinisimulan ng katayin ang dalawang motorsiklo alas-3 ng madaling araw.

Sinabi ni Lastimozo sa pulisya na isa sa dalawang motorsiklo ay ang kanyang nawawalang motorsiklo na naging dahilan upang arestuhin ng mga pulis ang mga suspek at narekober sa kanila ang mga motorsiklo, kabilang ang isang Honda Beat na may plakang P1168 JC na pinaniniwalaang ninakaw ng mga ito.

Sinabi ni Col. Balasabas, ang narekober na Honda Beat motorcycle ay dinala sa opisina ng Anti-Carnapping Unit para matunton ang may-ari nito habang ang mga naarestong suspek ay kinasuhan ng paglabag sa R.A 1-883 o ang New Anti-Carnapping Act  2016 sa Navotas City Prosecutor’s Office.