September 19, 2024

3 kulong sa pangugulpi at pananaksak sa kapitbahay

SA kulungan ang bagsak ng tatlong katao kabilang ang isang guwardya at 73-anyos na lolo matapos pagtulungan bugbugin at saksakin ang kanilang kapitbahay makaraan ang pagtatalo sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Malabon police chief Col. Jessie Tamayao ang mga suspek na sina Ariel De Guzman, 43, security guard, Efren Buenavende, 38, at David De Guzman, 73, pawang ng E. De Jesus St. corner Arellano St. Brg. Concepcion.

Batay sa imbestigasyon ni PSMS Julius Mabasa, dakong alas-10:30 ng gabi nang magkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng biktimang si Rodolfo Penollar, 44, at mga suspek sa hindi pa malaman na dahilan sa kanilang lugar.

Sa kainitan ng pagtatalo, pinagtulungan sapakin nina David at Buenavende si Penollar habang naglabas naman ng patalim si Ariel at tinarakan sa kanang bahagi ng tiyan ang biktima.

Sa kabila ng tinamong saksak, nagawang makatakas ng biktima sa lugar at ma-i-report ang insidente sa Brgy. Concepcion na agad namang nagsagawa ng follow up operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek. Isinugod naman sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima kung saan ito ginagamot.