Iniulat ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) na tatlo ang naitalang nasawi habang lima ang sugatan dahil sa matinding pag-ulan at malakas na hanging dulot ng habagat.
Ayon kay NDRRMC spokesperson Mark Timbal, isa ang namatay matapos tamaan ng bumagsak na punong-kahoy habang dalawa ang natamaan ng kidlat.
Dagdag pa ni Timbal, sumampa na sa 44,563 individuals ang inilikas at kasalukuyang tumutuloy sa 81 evacuation centers nationwide dahil pa rin sa southwest monsoon.
Dahil dito, pinag-iingat ng NDRRMC ang publiko dahil kahit wala na ang Bagyong Fabian sa Norte ay magdudulot pa rin ng pag-ulan ang habagat.
Nabatid na ilan sa mga siyudad sa Metro Manila ay binaha dahil sa patuloy na pag-ulan.
Samantala sa panig ng PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration), dahil sa patuloy na habagat, ang Metro Manila, Ilocos Region, Abra, Benguet, Zambales, Bataan, Pampanga, Bulacan, Cavite, Batangas, Occidental Mindoro, at Calamian Islands, ay makakaranas pa rin ng monsoon rains.
Makakaranas naman ng maulap na panahon na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms, ang Cagayan Valley, Antique, at nalalabing bahagi ng Cordillera Administrative Region, Central Luzon, Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon, at Mindoro-Marinduque-Romblon-Palawan.
Habang ang ibang lugar sa bansa ay magkakaroon ng bahagyan hanggang maulap na panahon na may kalat-kalat ng pag-ulan at thunderstorms.
Pina-alalahanan din ng PAGASA na posibleng magkaroon ng flash floods o landslides sa mga nabanggit na lugar dahil sa habagat.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA