December 26, 2024

3 HULI SA AKTONG NAGTATARYA NG SHABU SA LOOB NG JEEP SA VALENZUELA

Arestado ni PSMS Roberto Santillan ng Valenzuela Police Station Intelligence Section, kasama ang mga barangay tanod ng Brgy. Malanday si Gilbert Labuzon, 49, jeepney driver, Jayvie Dela Cruz, 29, at Rogelio Galvez, 63 matapos maaktuhang nagtatarya umano ng shabu sa loob ng isang pampasaherong jeep na nakaparada sa Budget Oil Gasoline Station, Parking Lot, Brgy. Malanday. Nakumpiska sa mga suspek ang 15 pirasong transparent plastic sachets na naglalaman ng nasa 4 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P27,200. (RIC ROLDAN)

VALENZUELA CITY – Bagsak sa kulungan ang tatlong hinihinalang sangkot sa iligal na droga matapos maaktuhan ng mga awtoridad na nagtatarya umano ng shabu sa loob ng isang pampasaherong jeep sa nasabing siyudad, Martes ng hapon.

Sa report ni SDEU investigator PCpl Glenn De Chavez kay Valenzuela police chief Col. Ramchrisen Haveria Jr, dakong alas-12:20 ng hapon, nagsasagawa si PSMS Roberto Santillan ng Station Intelligence Section sa ilalim ng pangangasiwa ni PMAJ Marissa Arellano ng monitoring hinggil sa isang found dead body na natagpuan sa bakanteng lote sa Mac Arthur Highway, Brgy. Malanday.

Dito, isang concerned citizen ang lumapit kay PSMS Santillan at ipinaalam sa kanya ang hinggil sa nagaganap umanong pot session sa loob ng isang nakaparadang pampasaerong jeep sa Budget Oil Gasoline Station, Parking Lot, Brgy. Malanday.

Kaagad nirespondehan ni PSMS Santillan, kasama ang mga barangay tanod ng Malanday na sina Rolando Dalagan, Joselito Bitara at Francisco Chuidian ang naturang lugar na nagresulta sa pagkakaaresto kay Gilbert Labuzon, 49, jeepney driver, Jayvie Dela Cruz, 29, at Rogelio Galvez, 63 matapos maaktuhang nagtatarya umano ng shabu sa loob ng jeep.

Nakumpiska sa mga suspek ang 15 pirasong transparent plastic sachets na naglalaman ng nasa 4 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P27,200.00, driver’s lincense, 3 coin purse, BIR ID, P400 cash, gunting, disposable lighter, cellphone at ang PUJ na may plakang TWS-997.