December 21, 2024

3 durugista timbog sa Malabon buy bust, P100K shabu, nasamsam

ISINELDA ang tatlong listed drug personalities matapos makuhanan ng mahigit P.1 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro ang naarestong mga suspek bilang sina Christopher Villagracia alyas “Ian”, 34, (pusher/listed), Michael Ramos alyas “Nognog”, 42, sampaguita vendor, (user/listed) at Manuel Joseph Cordero alyas “Manjos”, 33, pedicab driver, (user/listed) at pawang residente ng lungsod.

Ayon kay Col. Daro, dakong alas-2:10 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Capt. Alexander Dela Cruz ng buy bust operation M.H. Del Pilar St. corner Panghulo Road. Brgy. Panghulo matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa pagbebenta umano ng illegal drugs ni Villagracia.

Nang tanggapin ang P500 marked money mula sa isang undercover police poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng umano’y shabu ay agad dinamba ng mga operatiba si Villagracia at kasabwat niyang si Ramos habang pinosasan din si Cordero na sinasabing parokyano ng dalawa.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 16 grams ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price (SDP) value Php108,800.00 at buy bust money.

Ani PSSg Jerry G Basungit, mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.