November 23, 2024

3 drug suspects kalaboso sa droga sa Malabon

Arestado ng mga operatiba ng Malabon Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sina Lynne Matin-ao alyas “Maya”, 21, (Pusher/Newly Identified), Coney Soria, 46 at Raymond Gaspar, 28, sa buy bust operation sa Womens Club St., Brgy. Hulong Duhat, Malabon City. Nakuha sa kanila ang tinatayang nasa 65.20 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P443,360.00 at buy-bust money. (RIC ROLDAN)

Timbog ang tatlong bagong identified drug personalities, kabilang ang dalawang bebot matapos makuhanan ng mahigit sa P.4 milyon halaga ng shabu sa buy bust operation ng pulisya sa Malabon City, kamakalawa ng madaling araw.

Kinilala ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang naarestong mga suspek na sina Lynne Matin-ao alyas “Maya”, 21, Coney Soria, 46 at Raymond Gaspar, 28, pawang residente ng Navotas City.

Ayon kay Col. Barot, dakong alas-2:40 ng madaling araw isagawa ng ng mga operatiba ng Malabon Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni PLT Alexander Dela Cruz ng buy bust operation sa Womens Club St., Brgy. Hulong Duhat, Lungsod matapos ang natanggap na impormasyon mula sa kanilang impormante hinggil sa pagbebenta umano ng shabu ni Matin-ao.

Isang pulis na umakto bilang poseur-buyer ang nagawang makipagtransaksyon kay Matin-ao ng P3,500 halaga ng shabu.

Nang tanggapin ng suspek ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang plastic schet ng shabu ay agad siyang inaresto ng mga operatiba, kasama sina Soria at Gaspar, na kapwa parokyano umano ni Matin-ao.

Narekober kay Matin-ao ang isang sling bag na naglalaman ng 13 pirasong transparent plastic sachets ng hinihinalang shabu habang nakuha naman kay Soria at Gaspar ang tig-isang plastic sachets ng hinihinalang shabu.

Ani PMsg Randy Billedo, tumitimbang ng humigi’t kumulang sa 65.20 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P443,360.00 ang nakumpiska sa mga suspek at buy bust money. Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.