September 20, 2024

3 ARESTADO SA DRUG BUY BUST SA VALENZUELA

Swak sa kulungan ang tatlong hinihinalang drug personalities matapos maaresto sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, kamakailan lang.

Kinilala ni PLT Joel Madregalejo, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela police ang naarestong mga suspek na sina Adan Antoni, 38, conrtuction worker, Judy Estuaria, 49, Jose Manggay, 60, e-tric driver.

Sa report ni PCpl Pamela Joy Catalla kay Valenzuela police chief Col. Ramchrisen Haveria Jr, dakong alas-9 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PLT Madregalejo ng buy-bust operation sa lugar ng mga suspek sa Blk 36 lot 21, Northville 2, Brgy. Bignay.

Kaagad sinunggaban ng mga operatiba si Antoni at Estuaria matapos umanong bentahan ng P200 halaga ng droga ang isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer habang dinakip din si Manggay nang makuhanan ng isang sachet ng hinihinalang shabu.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t-kumulang sa 4 grams ng hinihinalng shabu na may standard drug price P27,200, buy bust money, P270 cash, cellphone at coin purse.

Kasong paglabag sa Section 5, 26 at 11 under Art II of RA 9165 ang isinampa ng pulisya kontra sa mga suspek sa Valenzuela City Prosecutors Office.