December 19, 2024

23FIBAWC: GILAS PILIPINAS NANALO RIN SA WAKAS VS CHINA

HINDI hinayaan ng Gilas Pilipinas na mabokyang muli kung kaya ibinuhos nila ang nalalabing lakas upang kumbinsidong ibaon ang China,96-75 sa kanilang huling laban  sa 2023 FIBA World Cup sa Araneta Coliseum.

Matunog ang simula ng Gilas Pilipinas kung saan ay umarangkada ang mga Pinoy ng 7-0 bago sumagot ang mga Tsino upang itabla sa 16 ang first quarter.

Sa kalat na opensa  nina Dwight Ramos, naturalized player Jordan Clarkson, June Mar Fajardo ,Roger Pogoy, Scottie Thompson at Rhenz Abando at ang lagkit ng depensa nina AJ Edu, CJ Perez, Japeth Aguilar, Jamie Malonzo at Kai Sotto ay di nakuhang umalagwa ng China kung  kaya dikit ang score sa halftime.

Nag- init ang kamay ni Clarkson sa ikatlong yugto sa pagpasabog ng sunud- sunod na tres nito na bumali sa gulugod ng China dahilan upang dumistansiya ng higit 20 puntos na bentahe ang  Gilas  Pilipinas pag-entra sa final quarter.

Hindi na nakaporma ang mga matatangkad na Tsino sa endgame sa inilatag na press plays nina Kiefer Ravena,

Thompson at Abando habang nagkasya na lang  ang Chinese sa palitan ng buslo at nagmimintis na ang 3-point shots na kanilang arsenal sa lahat ng kanilang mga laban.

Ang panalo ng Pilipinas kontra China sa huling classification game kung saan ay pride na lang ang nakataya ang   siyang naging konsolasyon para sa Pilipinas at saving grace ni Clarkson matapos sng apat na sunod na kabiguan sa kamay ng Dominican Republic, Angola, Italy sa eliminations at kontra South Sudan sa unang classification game.

“I told them( Gilas) to come out, do their best and dig deeper and they delivered for the country,” pahayag ni Gilas Pilipinas head coach Chot Reyes. Kumamada si Utah Jazz star player Clarkson ng 34 big points upang igiya ang Gilas Pilipinas sa makasaysayang panalo sa ‘biggest basketball show on earth at tuldukan ang 9-game losing streak sa FIBA WC mula noong 2014.