September 29, 2024

22-ANYOS NA BABAE BRUTAL NA PINATAY NG KA-LIVE IN SA BUKIDNON

Animo’y sinaniban ng demonyo ang isang lalaki matapos nitong bugbugin at saksakin ng 16 beses ang kanyang walang kalaban-laban na 22-anyos na live-in partner gamit ang basag na salamin sa Bukidnon.

Kalat na ngayon sa online ang CCTV video ng kalunos-lunos na sinapit ng biktimang si Kimberly Achas sa kamay ng kanyang live-in partner na si Elson Jamisola, 27, habang nasa loob ng kanilang bahay sa Don Carlos, Bukidnon

Sa gitna ng pagtatalo, makikitang binuhat pa ng suspek ang kanilang siyam na buwan gulang na sanggol at iniligay sa sofa.

Maya-maya pa ay nalaglag sa sofa ang sanggol, pero tila walang pakialam ang  suspek, habang patuloy sa sa pagsabunot, pagkaladkad, pagsusuntok at paghahampas ng upuan sa kawawang biktima, hanggang sa umabot na nga sa punto na pagsasaksakin ang babae gamit ang basag na salamin.

Binawian ng buhay ang biktima matapos magtamo ng 16 na saksak sa leeg.

Nagawa pang tumakas ng suspek pero nahuli rin siya ng mga awtoridad.



“Hinostage daw niya sa loob iyong maybahay niya tsaka iyong anak niya kaya agad kami nagresponde doon,” ani Don Carlos deputy chief of police Police Captain Angel Winston Alon Salvacion.

Inabutan pa raw ng pulisya na humihinga ang biktima, pero sana raw ay agad silang natawagan ng mga nakarinig sa insidente.

Aminado ang suspek na lango siya sa droga nang mangyari ang insidente.

Sa impormasyon ng pulisya, dati nang pina-rehab si Jamisola dahil sa paggamit ng illegal na droga.

Ligtas naman ang sanggol na ngayon ay nasa pangangalaga ng magulang ng biktima.

Reklamong parricide ang kahaharapin ni Jamisola.