September 19, 2024

2 ‘tulak’ nadakma sa Valenzuela

ARESTADO  ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit ng Valenzuela Police sa pangunguna ni P/Msgt. Roberto Santillan sina Albert Abando at Joel Salvador mga tulak ng droga matapos ang isinagawang buy-bust operation sa A. Marcelo St., Dalandanan, Valenzuela City.  RIC ROLDAN

DALAWANG hinihinalang tulak ng illegal na droga ang arestado sa isinagawang buy-bust operation ng mga pulis sa Valenzuela City, Miyerkules ng hapon.

Kinilala ni Valenzuela Police Chief Col. Fernando Ortega ang naarestong mga suspek na si Albert Abando at Joel Salvador, kapwa nasa hustong gulang.

Ayon kay Col. Ortega, dakong alas-3 ng hapon nang isagawa ng operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Ronald Sanchez at P/Msgt. Roberto Santillan ang buy-bust operation kontra sa mga suspek sa A. Marcelo St. Dalandanan, ng lungsod.

Kaagad sinunggaban ng mga operatiba ang mga suspek matapos bentahan ng isang sachet ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng marked money.

Nakumpiska sa mga suspek ang pitong plastik sachets ng hinihinalang shabu, buy-bust money, dalawang cellphones, dalawang motorsiklo na gamit nila at P2,100 cash.

Kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isinampa ng pulisya kontra sa mga suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.