December 24, 2024

2 tulak kulong sa P118K shabu sa Caloocan

SWAK sa selda ang dalawang hinihinalang tulak ng illegal na droga matapos makuhanan ng mahigit P.1 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang naarestong mga suspek na sina alyas “Buboy” at “Bryan”, kapwa nasa hustong gulang at parehong residente ng Brgy. 28.

Ayon kay Col. Lacuesta, ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang buy bust operation kontra sa mga suspek matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa pagbebenta umano nila ng droga sa lungsod.

Matapos tanggapin ng mga suspek ang markadong salapi mula sa isang pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad silang sinunggaban ng mga operatiba dakong alas-11:01 ng gabi sa Brgy. 28 ng lungsod.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 17.40 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P118,320.00 at buy bust money.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.