November 14, 2024

2 tulak, kulong sa higit P.1M droga sa Caloocan

NASAMSAM ng mga awtoridad ang mahigit P.1 milyong halaga ng ilegal na droga sa dalawang drug suspects matapos maaresto sa ikinasang buy bust operation sa Caloocan City.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) OIC Director P/Col. Josefino Ligan, kinilala ni District Drug Enforcement Unit ng (DDEU) chief P/Major Jeraldson Rivera ang naarestong mga suspek na sina alyas “Buknoy”, 24, at alyas “Budoy”, 18, kapwa residente ng lungsod.

Ayon kay Major Rivera, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y pagtutulak ng ilegal na droga ni alyas Buknoy kaya bumuo siya ng team sa pangunguna ni P/Capt. Regie Pobadora saka ikinasa ang buy bust operation nang magawa ng isa sa kanyang mga tauhan na makipagtransaksyon sa suspek.

Nang tanggapin umano ng suspek ang P500 marked money mula sa isang pulis na nagpanggap na poseur buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba dakong alas-4:12 ng madaling araw sa Libis Espina, Brgy. 18, kasama ang kanyang kasabwat na si alyas Budoy.

Ani Capt. Pobadora, nakumpiska nila sa mga suspek ang humigi’t kumulang 20 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P136,000, nasa 17 grams ng umano’y pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P2,040, anim na gramo ng pinaniniwalaang kush na nasa P9,000 ang halaga, cellphone at buy bust money.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.