December 26, 2024

2 tulak arestado sa P918K shabu sa Caloocan

BAGSAK sa kalaboso ang dalawang tulak ng illegal na droga matapos makuhanan ng mahigit P.9 milyon halaga ng shabu sa magkahiwalay na buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala PMAJ Dennis Odtuhan, hepe ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng Northern Police District (NPD) ang naarestong suspek bilang si Jericho De Guzman alyas “Ekong”, 22, (HVI) ng No. 166 Apartment Bldg., Nadurata St., 7th Avenue, Brgy. 53.

 Ayon kay Odtuhan, dakong alas-10:30 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng DDEU sa pangunguna ni PSMS Michael Tagubilin ng buy bust operation sa harap ng bahay ng suspek na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya matapos bintahan ng P7,500 halaga ng umano’y shabu ang isang undercover police poseur-buyer.

Nakumpiska kay De Guzman ang humigi’t kumulang 100 grams ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price P680,000.00, buy bust money na isang P500 bill at pitong pirasong P1,000 boodle money at sling bag.

Nauna rito, natimbog din ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Caloocan police sa pangunguna ni PMAJ Amor Cerillo sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Col. Ruben Lacuesta sa buy bust operation sa R.A.E corner 1st Avenue, Brgy. 120 alas-8:40 ng gabi si Mark Anthony Tan alyas “Mark”, 38, graphic designer ng 2308 T. Earn Shaw St., Gagalangin, Tondo City, Manila.

Ayon kay Col. Lacuesta, nasamsam kay Tan ang humigi’t kumulang 35 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P238,000.00, at buy bust money na isang P500 bill at sampung pirasong P1,000 boodle money.

 Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.