KILALA na ng Philippine National Police (PNP) ang dalawang police motorcycle riders na nakuhanan ng video at naging viral sa social media dahil sa mga delikadong motorcycle stunt habang lulan ng kanilang mga motorsiklo sa National Highway sa Zambales.
Ayon kay PNP Chief Police General Guillermo Eleazar na lehitimong mga pulis nga ang dalawang motorcycle rider na nakuhanan ng video ng isang netizen at nag upload ng viral video at nakatalaga sa Police Regional Office 3.
“Kahapon ay nagbigay tayo ng kautusan para tukuyin ang pagkakakilanlan ng dalawang riders na nagpasikat sa isang highway sa Zambales. Kaagad namang nakilala ang dalawang ito at nakumpirma namin na sila nga ay mga pulis,” ayon kay Eleazar.
Kinilala ang mga ito na sina PCMS Israel Bondoc at PMS Manuel Tolentino.
Dagdag pa ni PGen Eleazar na inatasan niya ang Regional Director ng PRO3 na si PBGen. Val De Leon gayundin ang Highway Patrol Group (HPG) sa pangunguna ni PBGen Alexander Tagum, na magsagawa ng masusing imbestigasyon bilang bahagi ng disciplinary measures sa Philippine National Police.
Makikita ang dalawang pulis na gumagawa ng motorcycle stunts na tinawag na iresponsable ng mga netizen dahil sa tahasang paglabag nila sa batas trapiko at road safety.
Naging viral sa social media ang video kung saan ay naka-tagged pa ang social media account ni PGen Eleazar lalo pa at sinasabing pulis ang mga nakuhanang motorcycle rider.
Matapos na mapanood ang video, agad ini-utos ni PGen Eleazar ang pagkakasa ng imbestigasyon at sinabing ang ginawa ng dalawang rider ay maaring maglagay sa iba pang motorista, commuter at pedestrian sa panganib.
“Let this serve as a warning that we will not tolerate this kind of misbehavior because as police officers, we should serve as the role models in abiding the laws that include traffic rules and regulations,” mensahe pa ng heneral.
Hangad din ni PGen Eleazar ang agarang resulta ng imbestigasyon at mapatawan ng karampatang parusa ang dalawang pulis na motorcycle riders. (KOI HIPOLITO)
More Stories
AYUDA HINDI NAGAGAMIT SA POLITIKA – DSWD CHIEF
VP SARA IPATUTUMBA MGA MARCOS (PSC nakaalerto)
INA, ANAK NA MAY KAPANSANAN PINAGPAPALO SA ULO NG DRUG ADDICT, PATAY