December 29, 2024

2 PUGANTENG INDIAN NAI-DEPORT NG BI; 1 TUMALON SA 2/F NG NAIA

Hinihintay ng mga awtoridad ng BI ang flight na maghahatid sa dalawang puganteng Indian (mga nakaupo sa wheelchair) na naipa-deport noong Huwebes. JERRY S. TAN

Matagumpay na nai-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang puganteng Indian na wanted sa kanilang bansa dahil sa criminal activities, kung saan isa rito ang tumalon pa sa second floor ng Ninoy Aquino International Airport para sa tangkang pagtakas.

Kinilala sila ni BI Commissioner Norman Tansingco bilang si Amrik Singh, 34 at Hayer Amritpal Singh, 24. Ipinadeport sila sa pamamagitan ng Thai Airways flight papuntang Delhi sa NAIA terminal 1.

Ang dalawa ay puntirya ng summary deportation order na inilabas ng BI Board of Commissioners nitong March matapos silang maikategorya bilang undesirable aliens.  

“The deportation of these criminals is a significant step for the bureau in ridding our country of foreigners who abuse our hospitality. Fugitives hiding in the country will be arrested, deported, and blacklisted,” babala ni Tansingco.

Ipinadeport si Amrik matapos malaman na illegal siyang pumasok sa bansa at nagkanlong ng isa pang puganteng Indian na wanted sa India dahil sa pagkakasangkot sa terrorist activities.

Si Hayer naman ay wanted sa India dahil sa ilang kaso kabilang ang paglabag sa kanilang unlawful activities prevention act. Siya rin ay iniimbestigahan sa kasong murder, at may warrant of arrest na inilabas laban sa kanya dahil violation of India’s arms act. JERRY S. TAN