January 19, 2025

2 Philippine title fight kasado… BAKBAKAN SA MONTALBAN

DALAWANG pambansang kampeonato ang tampok sa paboksing na bahagi ng mga aktibidad sa isang linggong pagdiriwang ng pang-152 pagkakatatag ng Rodriguez, Rizal.

Tinaguriang ‘Bakbakan sa Montalban’ ang aprubado ng Games and Amusements Board (GAB) na magkahiwalay na 10-round title fight para sa Philippine Boxing Federation (PBF) sa ibabaw ng pito pang propesyunal na labanan sa outdoor football and track oval ng Montalban Sports Center sa Abril 29.

Kasado ang krus ng landas ng tubong Bacolod City na si Romel “Smooth Operator” Oliveros ng Bebot Elorde Stable ng Sucat, Paranaque City at ng matangkad mula Davao del Sur na si Jestine “Golden Punch” Tesoro ng Hardstone Boxing Stable ng Bangar, La Union para sa bakantang PBF Featherweight title sa main event.

Mag-aagawan naman ang isa pang alaga ni Elorde mula Negros Occidental na si Ricardo “Smiley” Sueno at ang ikalawang tubong Mindanao ng Hardstone Stable na si Reymark “Lucky Boy” Alicaba mula Digos City para sa walang may-aring PBF flyweight title.

Pasok sa undercard ang pito pang kapana-panabik na sapakan na may kabuuang 40-round sa unang paboksing ng Quezon City-based CCAB Management Consultancy and Event Production ni CPA Bong Corpuz, kasama ang Rodriguez Municipal Sports Development at Tourism Department sa tulong ng local na grupong Batang Relok Organization Inc (BROI) at Legal na Kamao.

Layon ng programa na akitin at bigyan ng inspirasyon ang mga potensyal na boksingero sa lugar imbes na sumubok magbisyo at hangad pang ipakilala ang Rodriguez sa larangan ng pamumuhunan, negosyo, sports at turismo.

Bukod sa libreng mapapanood sa pasilidad na nasa Barangay San Jose, mapapanood nang live ang mga bakbakan sa iba’t ibang social media channels.