SWAK sa selda ang dalawang lalaki matapos mabisto ang dala nilang nasa P36K halaga ng high grade marijuana nang masita dahil sa paninigarilyo sa pampublikong lugar sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang naarestong mga suspek na sina Ronald Oliva Jr, 20 at Gabriel Abamonga alyas “Gab”, 20, kapwa ng Quezon City.
Sa ulat ni Col. Lacuesta kay Northern Police District (NPD) Director PBGen Ponce Rogelio Penones Jr, habang nagsasagawa ang mga tauhan ng Caloocan Police Station 1 ng anti-criminality campaign at patrolling sa kahabaan ng A. Mabini St., Brgy. 22 nang mapansin nila ang dalawang lalaki na nagyoyosi sa pampublikong lugar na malinaw na paglabag sa ordinansa ng lungsod.
Nang lapitan nila at hanapan ng kanilang identification cards para isyuhan ng ordinance violation receipt (OVR) ay tumakbo ang dalawa kaya hinabol sila ng mga pulis hanggang sa makorner sa gilid ng Ambassador Funeral dakong alas-5:50 ng hapon.
Nang atasan sila ng arresting officers na ipakita ang laman ng kanilang bulsa ay nadiskubre ang dalawang transparent plastic ziplock na naglalaman ng nasa 26 grams ng hinihinalang high grade marijuana (kush) na may standard drug price value na P36,400.00.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
More Stories
DOH SA PUBLIKO: GAWING LIGTAS, MALUSOG ANG HOLIDAY SEASON
CONVERGE MAGKASUNOD ANG PANALO
Navotas, tumanggap ng Gawad Kalasag