ARESTADO ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Korean nationals sa magkahiwalay na operasyon sa Clark Freeport Zone sa Pampanga, matapos matuklasang lampas na sila sa itinakdang panahon ng pananatili sa bansa.
Kinilala ng BI ang mga banyaga na sina Shin Duk Young, 79, at Kim Joobo, 63, na kapwa lumabag sa Section 37(a)(7) ng Philippine Immigration Act of 1940, na nagpaparusa sa mga dayuhang nag-o-overstay.
Ayon sa ulat ng BI Intelligence Division, unang inaresto si Shin Duk Young sa kaniyang tirahan sa loob ng Clark noong Oktubre 27, sa tulong ng Clark Development Corporation, Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Navy, at PNP Region 3.
Kasunod nito, nagtuloy ang mga operatiba sa isa pang lokasyon sa Clark kung saan naaresto naman si Kim Joobo dahil sa kaparehong paglabag.
Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na patuloy ang kanilang mahigpit na pagpapatupad ng mga batas sa imigrasyon at pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang matiyak na sumusunod ang mga banyaga sa visa conditions ng kanilang pananatili.
“Ang mga dayuhan ay dapat igalang at sundin ang mga kondisyon ng kanilang pananatili sa Pilipinas,” ayon kay Viado.
“Mananatiling mapagbantay ang aming mga tauhan sa pagtukoy sa mga overstaying aliens at iba pang lumalabag, katuwang ang ating mga law enforcement partners.”
Parehong dinala sina Shin at Kim sa BI Main Office sa Maynila para sa dokumentasyon, at kalaunan ay inilipat sa BI holding facility habang isinasaayos ang kanilang deportation proceedings. (ARSENIO TAN)
