January 19, 2025

2 kelot dinampot sa baril sa Malabon

Binitbit sa selda ang dalawang lalaki matapos makuhanan ng hindi lisensyadong baril sa magkahiwalay na operation ng pulisya sa Malabon City.

Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Director PBGen Ponce Rogelio Peñones Jr, sinabi ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro na nakatanggap ng impormasyon ang Station Intelligence Section (SIS) mula sa isang Barangay Information Network (BIN) ng Barangay Tañong hinggil sa isang armadong lalaki na pagala-gala sa Estrella Street ng nasabing barangay dakong alas-7:00 ng gabi.

Kaagad rumesponde sa nasabing lugar ang mga operatiba ng SIS sa pangunguna ni PSSg Pepito Gatus na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek na si John Carl Suarez, 25, ng Market 3, NBBN, Navotas City at nakumpiska sa kanya ang isang cal. 38 na baril na may apat na bala.

Samantala, dakong alas-4:25 ng hapon nang magsagawa ng pagsisilbi ng search warrant ang pinagsamang mga tauhan ng Sub-Station 3 ng Malabon police sa pangunguna ni PCpt Joseph Alcazar at SIS sa No. 7 E. Martin Street, Barangay Santulan, na nagresulta sa pagkakaaresto kay Angelito Nieves, 40.

Pinosasan si Nieves matapos walang maipakitang kaukulang mga dokumento sa isang cal. 38 revolver na may tatlong bala na nakuha sa kanya matapos ang ipinatupad ng pulisya na search warrant na inisyu ni Executive Judge Rhoda Magdalene Mapile-Osinada ng Malabon City Regional Trial Court (RTC) laban sa kanya.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunations Regulation Act).