Bagsak sa kulungan ang dalawang umano’y High-Value Individuals (HVI) matapos masakote sa ikinasang buy-bust operation ng Santa Cruz Municipal Police Station katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Sitio Bayside, Barangay Gatid, Santa Cruz, Laguna.
Kinilala ang mga suspek sa mga alyas na “Marine” at “Edwin”, na naaktuhang nagbebenta ng sachet ng hinihinalang shabu sa isang pulis na nagpanggap na poseur buyer.
Hindi lang isang sachet ang nakuha — labing-apat na heat-sealed plastic sachets ng puting kristal na substansya ang nasamsam, na pinaniniwalaang shabu. Ayon sa ulat, tinatayang nasa 325 gramo ang bigat ng mga nakumpiskang droga, na may halagang ₱2,210,000 batay sa Standard Drug Price.
Pinuri ni PBGen Jack L. Wanky, Regional Director ng Police Regional Office 4A, ang mabilis at matagumpay na operasyon, at hinikayat ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad upang tuluyang mapuksa ang iligal na droga sa rehiyon.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Santa Cruz Police ang dalawang suspek habang inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Ulat ni ERICHH ABRENICA)
